Maaaring isusunod ng International Criminal Court (ICC) sina Senador Ronald Dela Rosa at retired PNP chief Oscar Albayaldena arestohin kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na dinala sa The Hague noong Martes upang humarap sa paglilitis ukol sa mga krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng madugong war on drugs.
Ayon kay Kristina Conti, assistant to counsel sa ICC, apat na pangalan ang nabanggit sa mga dokumento ng ICC na kinabibilangan nina Duterte, Dela Rosa, Albayalde.
Sinabi ni Conti na iniimbestigahan ng ICC sina Dela Rosa at Albayalde para sa kanilang partisipasyon sa kampanya laban sa iligal na droga noong 2016 hanggang 2022 na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong mga hinihinalang adik at drug suspect nang walang mga pormal na paglilitis.
Una rito, sinabi ng Malacañang na posibleng makikipagtulungan ang mga awtoridad ng bansa kung sakaling magpapalabas ng karagdagang warrant of arrest laban sa iba pang inaakusahan na sangkot sa war on drugs.
Gayunman, sinabi ni Claire Castro, ang Press Officer ng Palasyo at Undersecretary ng Presidential Communications Office, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na impormasyon kung magkakaroon pa ng ibang warrant of arrest mula sa Interpol.
Ayon sa kanya, kung sakali man na may ilalabas na karagdagang warrant of arrest, pareho pa rin ang kanilang magiging reaksyon, kung muling hihiling ang Interpol ng tulong mula sa administrasyon.
Subalit idinagdag ni Castro na maaaring magbago ang sitwasyon kung ang paksa ng warrant of arrest ay susuko.
Hindi na ito magiging gaya ng nangyaring tensyon sa pagitan ng mga pulis at pamilya ni Duterte.
Idinagdag din ni Castro na maaaring mahatulan si Duterte ng hanggang 30 taon na pagkakabilanggo kung mapatunayang guilty ito sa mga krimen laban sa sangkatauhan sa ICC.
Sa ilalim ng mga exceptional circumstances, maaaring hatulan pa siya ng habambuhay na pagkabilanggo, ngunit ang mga desisyon ay maaaring i-apela.
Si Dela Rosa, na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) mula 2016 hanggang 2018, ay isa sa mga pangunahing arkitekto ng war on drugs ni Duterte.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, inilunsad ang “Oplan Tokhang” — isang kontrobersyal na kampanya laban sa droga na nag-utos sa mga pulis na kumatok sa mga pinto ng mga suspek at hikayatin silang sumuko.
Ngunit kalaunan, ang kampanyang ito ay umabot sa malawakang extrajudicial killings, kung saan libu-libong hinihinalang drug offenders ang napatay sa mga operasyon ng pulisya o ng mga hindi kilalang salarin.