Bumuwelta si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa pahayag ng Chinese Embassy na kulang umano sa kaalaman sa diplomasya ang ilang senador ng Pilipinas.

Tinawag ng embahada na isang “political stunt” ang resolusyon ng Senado at inakusahan ang mga mambabatas ng pananakot at paninindak laban sa mga diplomatong Tsino.

Ayon kay Sotto, hindi makatarungan ang naturang pahayag at taliwas ito sa wastong asal at prinsipyo ng diplomasya.

Aniya, habang ibinibintang ng Chinese Embassy ang pananakot sa Senado, patuloy naman itong nagpapahayag ng mga komento na walang galang sa institusyon.

Ang pahayag ni Sotto ay kaugnay ng pagkondena ng China sa Resolution No. 256 ng Senado na bumabatikos sa mga naging pahayag ng Chinese Embassy laban sa mga opisyal ng Pilipinas na naninindigan sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

-- ADVERTISEMENT --

Ang resolusyon, na inakda ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, ay nanawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang diplomatiko upang ipagtanggol ang dignidad ng Republika ng Pilipinas at tiyakin na ang ugnayan sa ibang mga estado ay naaayon sa internasyonal na batas at mga kinikilalang prinsipyo ng ugnayang panlabas.

Sinabi ni Pangilinan na ang naging tugon ng China ay maituturing na paglabag sa Vienna Convention at indikasyon ng pakikialam sa panloob na demokratikong proseso ng bansa.