
Isang sunog ang sumiklab sa Kuwait International Airport matapos tamaan ng mga drone ang isang fuel tank, ayon sa civil aviation authority ng bansa nitong Miyerkules.
Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.
Batay sa paunang impormasyon mula sa Directorate General of Civil Aviation, limitado lamang ang naging pinsala dulot ng pag-atake.
Agad na ipinatupad ng mga kinauukulang awtoridad ang mga nakahandang emergency procedure, at mabilis na rumesponde ang mga bumbero upang maapula ang apoy, ayon sa tagapagsalita ng ahensya na si Abdullah Al-Rajhi.
Ilang ulit nang naging target ng pag-atake ang paliparan ng Kuwait mula nang magsimula ang sigalot sa rehiyon noong Pebrero 28, kasunod ng mga air strike ng Israel at Estados Unidos laban sa Iran.
Noong Marso 14, iniulat ng civil aviation authority na tinarget ng ilang drone ang paliparan at tinamaan ang radar system nito. Wala ring naiulat na nasawi sa naturang insidente.
Noong Marso 8, tinamaan din ng mga drone ang mga fuel tank sa paliparan, habang sa naunang pag-atake sa passenger terminal ay may ilang katao ang bahagyang nasugatan at nagdulot ng pinsala sa pasilidad.









