Binatikos ni US President Donald Trump si Pope Leo XIV matapos punahin ng Santo Papa ang posisyon ng Estados Unidos at Israel sa digmaan sa Iran, at tinawag pa itong hindi maganda para sa foreign policy.

Ayon kay Trump, hindi siya sang-ayon sa mga pahayag ng Santo Papa tungkol sa nuclear weapons at sinabing hindi dapat payagan ang Iran na magkaroon nito dahil posibleng magdulot ito ng panganib sa mundo. Dagdag pa niya, hindi siya tagahanga ni Pope Leo.

Nauna rito, tinuligsa ng Santo Papa ang retorika ni Trump laban sa Iran at tinawag itong hindi katanggap-tanggap, kasabay ng panawagan para sa kapayapaan at pag-iwas sa digmaan.

Binigyang-diin din ni Pope Leo na ang paggamit ng relihiyon upang bigyang-katwiran ang digmaan ay mali, at nanawagan ng diyalogo at paggalang sa international peace efforts.

Samantala, tumugon ang isang opisyal ng Vatican at sinabing ang mga pahayag ni Trump ay pag-atake sa moral na tinig ng Santo Papa at patunay umano na epektibo ang impluwensya nito sa pandaigdigang usapin.

-- ADVERTISEMENT --

May mga analyst naman na nagsabing posibleng indikasyon ito na naaapektuhan si Trump ng lumalaking papel ng Santo Papa sa isyu ng international security at foreign policy.