
Nanawagan si Vice President Sara Duterte ng pagbabantay laban sa umano’y “weaponization of the law” at pakikialam ng mga dayuhang institusyon, kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ng kanyang ama na si Rodrigo Duterte ngayong araw ng Sabado.
Sa isang video message, sinabi niya na dapat manatiling mapagmatyag ang publiko laban sa paggamit ng batas bilang sandata at sa “unconstitutional intrusion” ng mga dayuhang entity na umano’y nais balewalain ang mga korte sa Pilipinas.
Iginiit din niya na ang justice system ng bansa ay dapat manatiling malaya at nagsisilbi lamang sa interes ng mamamayang Pilipino, hindi ng mga banyagang kapangyarihan.
Ipinagdiriwang ni Rodrigo Duterte ang kanyang ika-81 kaarawan habang siya ay nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague.
Matatandaang pinagtibay ng Appeals Chamber ng International Criminal Court ang naunang desisyon na manatili siya sa detention kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Nagpasalamat si Sara Duterte sa mga tagasuporta at volunteer na nag-organisa ng mga selebrasyon para sa kanyang ama, at sinabi niyang ang kanilang katapatan ay patunay ng pamumunong nakatuon sa kaligtasan at dignidad ng bawat pamilyang Pilipino.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang pagtatanggol sa karapatan ng kanyang ama ay katumbas din ng pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
Hinikayat din niya ang mga Pilipino na patuloy na ipaglaban ang dangal ng Pilipinas at mahalin ang bayan.










