Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng ₱16.5 bilyon para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapatayo at pagkumpleto ng mga pangunahing imprastraktura sa bansa.

Ayon sa DBM, inilabas ang pondo sa pamamagitan ng Notice of Cash Allocation (NCA) at gagamitin upang bayaran ang mga natitirang obligasyon ng DPWH para sa mga natapos at kasalukuyang proyekto.

Ang naturang pondo ay ipapamahagi sa iba’t ibang implementing units ng DPWH sa 17 rehiyon, na inaasahang makakatulong upang maiwasan ang pagkaantala sa mga proyekto at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.

Binigyang-diin ng DBM na mahalaga ang papel ng maayos at napapanahong paggastos ng gobyerno, lalo na sa infrastructure, dahil nagdudulot ito ng epekto sa trabaho, negosyo, at kabuuang pag-unlad ng ekonomiya.

Tiniyak din ng ahensya na dumaan sa masusing beripikasyon ang pondo upang masigurong ang mga pagbabayad ay may sapat na dokumento at sumusunod sa mga umiiral na batas at alituntunin sa pagba-budget at auditing.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy namang binabantayan ng pamahalaan ang paggamit ng pondo upang matiyak ang transparency at accountability sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.