Puno ng hinagpis ang isang barangay sa Allacapan, Cagayan sa burol ng 11 na namatay sa nangyaring pagbangga ng Florida bus sa isang pick-up sa bayan ng Abulug.

Nakaburol ngayon sa iisang bahay sa Brgy. Daan-ili ang mga biktima na mula sa pamilya Time, Mangupag, at Israel.

Kabilang din sa mga nasawi ang limang bata na edad 11 buwan hanggang 15.

Sinabi ni Ronalyn Israel na namatay ang kanyang anak na babae na 13 anyos at kanyang kapatid sa insidente na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila matanggap ang pangyayari.

Sinabi ni Ronalyn na sabay-sabay din ang libing ng mga biktima sa araw ng Huwebes.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Ronalyn na wala pang naganap na pag-uusap sa pagitan nila ng bus company at pag-uusapan pa nila ang mga susunod na hakbang pagkatapos ng libing.

Samantala, nagbigay na ang Department of Social Welfare and Development ng tig-P20k sa pamilya ng mga nasawi habang P10k naman sa pamilya ng tatlong nakaligtas sa aksidente.

Nangako rin ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan habang patuloy ang tulong mula sa LGU Allacapan.