Nailigtas ang dalawampung pasahero ng isang ferry boat na nagkaroon ng teknikal na problema sa karagatan malapit sa Basilan noong Biyernes.

Ayon sa mga awtoridad, ang wooden-hulled na M/L Julifer ay umalis mula Zamboanga City ng maaga noong Biyernes papuntang Laminusa Island sa bayan ng Siasi, Sulu province, nang tumirik ang makina nito bandang alas-3 ng madaling araw habang nasa katubigan ng Lampinigan Island sa Isabela City.

Agad na rumesponde ang mga tauhan mula sa Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Isabela City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) kasama ang Coast Guard sa rescue operation.

Ayon sa mga awtoridad, lahat ng pasahero at crew ay ligtas na nailikas at pansamantalang tinuluyan sa Lampinigan bago dinala sa Isabela port.

Ang Isabela City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at City Health Office (CHO) ay nagsagawa ng profiling at nagbigay ng serbisyong medikal sa mga nailigtas.

-- ADVERTISEMENT --

Napag-alaman na umalis ang barko ilang oras lamang bago naglabas ng pansamantalang suspensyon ang coast guard sa mga biyahe sa dagat dahil sa paparating na Tropical Depression ‘Basyang’.