Umabot sa humigit-kumulang 467,000 indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng tropical cyclone Basyang sa Visayas at Mindanao, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo.

Katumbas ito ng may 132,000 pamilya mula sa 850 barangay, batay sa 6:00 ng umaga na datos ng ahensya, ayon kay OCD spokesperson Junie Castillo.

Sinabi ni Castillo na nakapagtala na ang OCD ng 12 nasawi, na lahat ay sumasailalim pa sa beripikasyon.

Apat sa mga nasawi ay mula sa landslide sa Cagayan de Oro City, habang ang iba naman ay nasawi dahil sa pagkalunod.

Sa kasalukuyan, humupa na ang pagbaha sa mga apektadong lugar at patuloy na isinasagawa ang clearing operations.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, lima ang nasawi sa Iligan City bunsod ng pananalasa ng bagyo.

Ayon pa sa OCD, may kabuuang 445 bahay ang nasira, kung saan 38 ang totally damaged at 407 ang partially damaged.

Sinabi ni Castillo na hindi pa tuluyang nakokonsolida ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura.