Humingi ng paumanhin si Anthony Jennings kay Maris Racal at sa kanyang non-showbiz ex-girlfriend Jamella Villanueva dahil sa nasaktan niya ang mga ito.
Ayon sa kanya, lubos niya itong pinagsisihan at humihingi siya ng tawad sa lahat ng kanyang nasaktan at nadamay sa kontrobersiya nila ni Racal.
Naging laman ng mga balita ang cheating controversy nina Jennings at Racal matapos na isiniwat ni Villanueva ang ilang intimate conversations ng dalawa sa social media noong December 3.
Ang mga pahayag ni Jennings ay ilang oras matapos na maglabas ng pahayag si Racal at ibahagi ang kanyang panig sa umano ay relasyon nila ng aktor.
Sinabi ni Racal na ilang ulit niyang tinanong si Jennings sa estado nila ni Villanueva at sagot sa kanya ng aktor na siya ay “single.”
Humingi rin ng paumanhin si Racal at sinabi niya na inaako niya ang lahat ng pananagutan sa nasabing mga pangyayari.
Sina Jennings at Villanueva ay halos pitong taon na magka-relasyon bago nila tinapos ito ngayong taon.
Samantala, kasintahan naman ni Racal si singer-songwriter at Rivermaya frontman Rico Blanco sa loob ng limang taon bago sila naghiwalay noong Hulyo.