Itinanghal na kampeon ang koponan ng mga estudyante mula sa University of Saint Louis Tuguegarao (USLT) sa 442nd Aggao Nac Cagayan Mural Art Painting Competition na ginanap sa inner at outer walls ng Cagayan Sports Complex mula Hunyo 19-20, 2025.

Mula sa konseptong “Hapag Cagayan,” ipinakita ng mga architecture students na sina Joshua Jhener Guimmayen, Bermarc Esteban, at James Perlas kasama ang kanilang coach na si Ar. Ma. Eleanor Lucero, Program Chair ng Architecture Department ng USLT ang mga ipinagmamalaking yaman ng probinsiya na handang ihapag sa lahat ng turista at bisita.

Ayon sa grupo ang kanilang konseptong “Hapag Cagayan” ay kahalintulad ng isang salo-salo na may sari-saring pagkain sa lamesa.

Ang mga iginuhit na pagkain ay sumisimbolo sa mga yaman ng Cagayan na dapat anilang makita ng mga bisita.

Bukod sa lamesa ay mayroon ring malaking finger print sa kanilang obra na nagpapahiwatig ng pagkakakilanlan ng mga Cagayano.

-- ADVERTISEMENT --

Mayroon din itong nakapalibot na pulang ribbon kung saan nakalagay naman ang mga ipinagdiriwang na kapistahan ng iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Naiuwi ng grupo premyong P50,000 cash, certificate at tropeo.

Ang 2nd place sa kompetisyon ay mga USLT Architecture student din na sina Orven Marantan, Rhov Zedrik G. Tamayo at Zean Jeter Tolentino na nag-uwi naman ng P40,000.

Sila ang kampeon sa naturang kompetisyon noong nakaraang taon.

Ang 3rd place ay naiuwi nina Richmone Macapulay, Warren Ragual at Dennis Sambrano na mga USLT Architect student din na nag-uwi ng P30,000 at sila ang kampeon noong 2023.

Lahat ng mga kalahok na hindi nagwagi ay nakakuha naman ng tig-P7,500 na consolation prize.