TUGUEGARAO CITY – Nasa maayos nang kalagayan sa ospital ang bagong panganak na sanggol na babae na iniwan sa isang damuhan sa Caggay, Tuguegarao City kaninang 4:30 ng madaling araw.
Sinabi ni Isidro Tumliauan Jr. ng Atulayan Sur, Tuguegarao City na siyang nakakita sa sanggol na may narinig siyang parang iyak ng pusa sa likod ng isang gusali nang siya ay pumasok dito sa Zone 7, Caggay, Tuguegarao City.
Dahil dito, tinawag niya ang kanyang biyenan para tignan nila kung ano ang umiiyak at dito nila nakita ang sanggol na nakadapa at umiiyak.
Naniniwala si Tumaliauan na sa damuhan iniluwal ng ina ang sanggol at basta na lang iniwan dahil wala pa itong saplot at duguan.
Sinabi ni Tumaliauan na aampunin nila ang sanggol kung walang kukuha dito dahil sa wala siyang anak na babae at tatlo ang kanyang anak na lalaki.