Nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division ang content creator na si Jack Argota kaninang umaga matapos padalhan ng subpoena.

Ito ay may kaugnayan sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa umano’y pagpapakalat ni Argota ng pekeng medical record ni Pangulong Bongbong Marcos.

Pinasasagot ng NBI si Argota kaugnay ng naturang isyu.

Nanindigan naman si Argota na wala itong kasalanan.

Ayon kay NBI Spokesperson Palmer Mallari, noon pang Pebrero 13 pinatatawag ang content creator pero humiling itong ma-reset ang schedule.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang itinanggi ng Malacañang at ng mga ospital ang naturang dokumento na kumalat sa social media.

Una rito, nagsampa ng kasong kriminal ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice laban kay Jay Sonza at Jeffrey Luces Celiz o Ka Eric Celiz ng umano’y pagpapakalat ng pekeng medical bulletin ng pangulo.

Ayon sa NBI-Cybercrime Division, natukoy sa isinagawang operasyon noong Enero 2026 ang dalawang pangunahing pinagmumulan ng maling impormasyon ay sina Sonza at Celiz na may halos may 10 million views.

Noong Enero 28 at 29, nakunan ng ebidensiya ang mga post na naglalaman ng umano’y CT-scan report at larawan ng pangulo na nagdududa sa kanyang kalusugan at kakayahang gampanan ang tungkulin.