
Hiniling ni House Deputy Minority Leader Chel Diokno ng Akbayan party-list sa House committee on justice na isasailalim sa kustodiya si Ramil Madriaga, ang umano’y dating aid ni Vice President Sara Duterte habang nakabinbin ang impeachment proceedings laban sa bise presidente.
Sinabi ni Diokno sa kanyang sulat sa House Justice panel na kailangan na matiyak ang kaligtasan ni Madriaga, na ipinakilala ang sarili na naging “bagman” ni Duterte.
Matatandaang sinabi ni Madriaga noong Disyembre 2025 na pinondohan ng mga drug dealer at POGO operations ang Inday Sara Duterte is My President (ISIP) Pilipinas national campaign at iba pang kagayang grupo.
Isinama ang kaniyang mga alegasyon sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Inihayag din ni Madriaga ang kagustuhan niyang tumestigo.
Samantala, hiniling din ni Diokno sa House justice committee na agad na mag-isyu ng subpoena sa mga mahahalagang record na kailangan ng House panel para matupad nito ang mandato na magsagawa ng ebalwasyon sa mga ebidensiya para magpasiya kung may sapat na grounds sa impeachment.
Inaakusahan si Duterte sa impeachment complaints ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at iba pa, kaugnay sa hindi umano tamang paggamit ng P612.5 million na confidential funds, ginamit ang budget na panuhol at pagbabanta na papatayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang pamilya.









