
Itinanggi ni Department of Health Under Secretary Glenn Matthew Baggao ang kanyang pagkakadawit sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagbili ng mobile health facilities ng kagawaran.
Sa kanyang pahayag, nilinaw ni Dr. Baggao na bago pa lamang siyang namumuno sa Health Facilities Enhancement Program kaya mali umanong idawit ang kanyang pangalan sa mga alegasyon.
Ayon sa kanya, premature at walang sapat na basehan ang mga paratang dahil hindi pa umano nagsisimula ang procurement process batay sa mga available na dokumento.
Iginiit din ni Baggao na nirerespeto niya ang proseso ng imbestigasyon at naniniwalang dapat maging bukas sa pananagutan ang mga opisyal ng pamahalaan, ngunit kailangan aniyang nakabatay sa malinaw na ebidensya ang mga reklamo at hindi sa espekulasyon at mga haka-haka na maaaring makasira sa reputasyon ng isang opisyal.
Aniya, mahigit tatlong dekada na niyang inialay ang kanyang serbisyo sa pamahalaan upang mapaunlad ang health system ng bansa.
Sa loob ng 34 na taong panunungkulan, ginawaran siya ng Presidential Lingkod Bayan Award ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang Palace bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa mga programa ng pamahalaan.
Bago italaga bilang undersecretary ng DOH, nagsilbi rin si Baggao bilang medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City kung saan aniya’y isinulong ang maayos na koordinasyon sa mga doktor at nurse, gayundin ang transparency at accountability sa pamamahala ng ospital.
Matatandaang kinasuhan si Health Secretary Teodoro Herbosa kaugnay ng umano’y iregularidad sa ₱1.8-bilyong pondo para sa Mobile Primary Care Facilities.
Nadawit din sa reklamo sina Baggao, Brigida Romualdez-Aquino, at Allan Tope.
Ayon sa mga nagreklamo, minanipula umano ang procurement process sa pamamagitan ng pagbago sa Terms of Reference upang paboran ang isang supplier.
Lumabas din sa internal report ng DOH na 25% lamang ng mga mobile clinic ang operational habang 75% ang hindi gumagana o hindi nagagamit sa ilang probinsya kabilang ang Cotabato, Bukidnon, Camiguin, Siquijor at Zamboanga del Norte.
Batay sa reklamo, maaaring lumabag ang mga respondent sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019, habang hinihiling ng mga whistleblower sa Ombudsman ang agarang imbestigasyon at preventive suspension sa mga opisyal habang dinidinig ang kaso.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Usec. Baggao na patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin nang may katapatan at buong dedikasyon sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino.










