Palalawigin pa ng apat araw ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ang umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lungsod.

Ayon kay Mayor Soriano, ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng nagpopositibo sa COVID-19 kung saan full capacity o puno na ang COVID-ward sa Cagayan Valley Medical Center at sa iba pang COVID-ward ng mga pribadong ospital.

Paliwanag ng alkalde nasa mahigit 700 na ang kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan pag-uusapan bukas ng City-IATF ang mga bagong hakbang upang makatulong na mapababa ang mga nahahawaan ng naturang nakamamatay na sakit.

Matatapos sana ang sampung araw na ECQ sa lungsod sa April 8 ngunit dahil sa pagpapalawig ay matatapos ito sa April 12.

Sa ngayon, nangunguna pa rin ang Brgy San Gabriel sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19; sinundan ng Ugac Norte, Ugac Sur at Cataggamman.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa publiko na sumunod sa umiiral na health protocols.