
Binugbog ng tatlong menor de edad ang isang lalaking estudyante matapos umano nitong aksidenteng mahawakan ang kamay ng isang babae sa Barangay Cabatangan, Zamboanga City.
Batay sa nakuhang video, ang pananakit ay naganap sa isang covered court, kung saan pinagsusuntok at pinagsisipa ang biktima ng tatlong salarin.
Ipinaliwanag ng biktima sa mga awtoridad na hindi niya sinasadya ang insidente, at hindi niya alam na girlfriend pala ng isa sa mga nambugbog ang nahawakan niyang babae.
Agad siyang pinagtulungan ng tatlo, na pawang mga menor de edad na nasa edad 11 hanggang 14.
Inaasikaso na ng Barangay Council for the Protection of Children ang insidente at nakikipag-ugnayan na sa mga magulang ng mga sangkot.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang kaukulang hakbang at mapigilan ang mga ganitong uri ng karahasan sa hanay ng mga kabataan.