
Nasawi ang isang batang lalaki na sakay ng tricycle matapos magulungan ng dump truck sa lungsod ng Ilagan, Isabela.
Batay sa imbestigasyon, bumagal ang takbo ng sinasakyang tricycle ng biktima upang pumasok sana sa isang paaralan sa Barangay San Felipe nang sundan ito ng dalawang truck.
Sa gitna ng pangyayari, nag-overtake sa kanan ang isang truck habang nag-overtake naman sa kaliwa ang isa pa, na nauwi sa pagkabangga ng tricycle.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang bata at tuluyang nagulungan ng truck.
Sugatan naman ang tricycle driver at isa pang batang sakay, na kasalukuyang ginagamot sa ospital, habang ligtas ang ina ng biktima na kasama rin sa tricycle.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng truck na nag-overtake at nagpahayag ng kahandaang sagutin ang gastos sa pagpapalibing.
Sa ngayon, hindi pa nakapagpapasya ang pamilya ng biktima kung magsasampa sila ng reklamo habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.










