Nananatiling nakaabang ang House Committee on Justice sa magiging hakbang ni Sara Duterte ilang araw bago ang itinakdang impeachment hearing sa Marso 25.

Ayon kay Terry Ridon, wala pa ring pormal na kumpirmasyon mula sa kampo ng Bise Presidente kung siya ay dadalo sa pagdinig, na magsisimula sa pagsusuri ng mga natitirang impeachment complaints.

Binigyang-diin ng ilang mambabatas, kabilang si Paolo Ortega V, na mahalagang pagkakataon ang hearing upang maipaliwanag ni Duterte ang kanyang panig kaugnay ng mga alegasyon.

Nilinaw naman ng komite na ang isasagawang pagdinig ay hindi pa isang ganap na paglilitis, kundi bahagi ng proseso upang suriin kung may sapat na batayan ang mga reklamo upang umusad sa susunod na yugto.

Kabilang sa mga paratang laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, panunuhol, at iba pang posibleng paglabag sa Konstitusyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila ng kawalan ng kumpirmasyon sa kanyang pagdalo, inaasahan ng House panel na maglalabas ng posisyon ang kampo ng Bise Presidente habang papalapit ang pagdinig.