TUGUEGARAO CITY- Nagpatupad na ng forced evacuation ang pamahalaang bayan ng Banaue sa Ifugao sa mga residente na nasa delikadong lugar kasunod ng nangyaring landslide at pagbaha kahapon ng hapon.

Sinabi ni Vice Mayor Donald Mongolnon ng Banaue na nagsasagawa na rin sila ng assessment sa lawak ng pinsala ng landslide at pagbaha bagamat may naitala na pagkasira o natabunan na mga bahay at palayan.

Ayon kay Mongolnon, may ilang lugar na hindi nila mapasok at hindi rin nila matawagan ang mga punong barangay na apektado dahil sa kahapon pa walang kuryente sa kanilang lugar.

Sinabi niya na halos lahat ng 18 barangay ng Banaue ay apektado ng pagbaha dahil sa malakas na ulan kahapon at hanggang ngayon ay nakakaranas pa sila ng mga pag-ulan.

Naniniwala si Mongolnon na ang pagbaha ay bunsod ng mga nabarahang mga drainage canals kung saan ay umapaw ang tubig at pumunta sa main road.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, sinabi niya na may mga na-stranded na mga motorista at ngayon ay pansamantala na tumuloy sa barangay halls at sa evacuation centers.

Nananatili na rin ang mga residente na apektado ng insidente sa kanilang mga kamaga-anak habang ang iba ay sa evacuation centers.

Sinuspindi na rin nila ang pasok s ng mga estudyante sa pampubliko at pribadong mga eskwelahan.

Sinabi ni Mongolnon na sa ngayon ay kasalukuyan ang clearing operation sa main road papunta sa poblacion ng Banaue.

Ang ipinagpapasalamat ni Vice Mayor Mongolnon ay walang casualty dahil bago pa man ang landslide ay umalis ang mga nakatira sa mga bahay na natabunan.