
Ipinahiwatig ni Abbas Araghchi, foreign minister ng Iran ang potensyal na may kundisyong pagtigil ng Iranian military operations, at sinabing ititigil ng kanilang bansa ang mga pag-atake kung ititigil din ang mga pag-atake sa kanilang bansa.
Sa kanyang post sa social media, sinabi ni Araghchi na kung ititigil ang mga pag-atake sa kanilang bansa, ititigil din ng kanilang malakas na armed forces ang kanilang defensive operations.
Ayon sa kanya, ito ay bahagi ng hakbang ng mediation efforts at kasalukuyang diplomatic contacts para sa paghupa ng labanan.
Sinabi pa niya na sa loob ng dalawang linggo, posible ang ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz sa pamamagitan ng koordinasyon sa kanilang armed forces, kung saan tinukoy ang technical limitations.
Ang kanyang pahayag ay kasunod ng paglalatag ng Iran ng isang 10-puntong panukala upang wakasan ang digmaan, na ayon sa state media na Islamic Republic of Iran Broadcasting ay kinabibilangan ng mga garantiya ng hindi pag-atake laban sa Iran; patuloy na kontrol ng Iran sa Strait of Hormuz; pagkilala sa karapatan ng Tehran sa uranium enrichment; pagtanggal ng primary at secondary sanctions ng US; pagwawakas ng mga resolusyon ng United Nations Security Council at International Atomic Energy Agency Board of Governors laban sa Iran; pagbabayad ng kompensasyon; pag-atras ng mga puwersang panlaban ng US mula sa rehiyon; at pagtigil ng labanan sa lahat ng front.
Sinabi ng Supreme National Security Council ng Iran sa isang pahayag na inilabas kaninang madaling araw, na ang panukala ay magsisilbing balangkas para sa negosasyon, bagaman hindi nito isinapubliko ang lahat ng detalye.
Nauna nang sinabi ni US President Donald Trump na sususpindihin ng Washington ang mga pag-atake laban sa Iran sa loob ng dalawang linggo, at inilarawan ang panukala ng Tehran bilang isang praktikal na batayan para sa negosasyon.










