Patay ang isang 42-anyos na lalaki habang karga-karga niya ang kanyang apo na dalawang linggong gulang pa lamang kaninang umaga sa Barangay Bool sa Tagbilaran City, Bohol.

Nagtamo ng tama sa kanyang ulo si Rodelito Basilyote Tanio, tubong Toledo City, Cebu subalit naninirahan na sa nasabing lugar.

Ayon sa pulisya, nakaupo umano si Tanio sa labas ng kanyang bahay habang karga-karga ang kanyang sanggol na apo nang dumating ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo at may tinanong.

Kasunod nito ay bumunot ang back rider ng motorsiklo at binaril ng malapitan sa ulo ang biktima.

Dead on the spot ang biktima habang ligtas ang kanyang apo.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga testigo, sakay ang mga salarin sa kulay asul at puting motorsiklo at nakasuot ang mga ito ng bonnets at full-face helmets.

Agad na nagsagawa ang Tagbilaran City Police Station, kasama ang Special Weapons and Tactics (SWAT) team at mobile patrol units ng hot pursuit operation, naglagay ng mga checkpoints, at sinusuri na ang mga surveillance footage na malapit sa crime scene.

Mariing kinondena naman ni Tagbilaran City Mayor Jane Yap ang nasabing pamamaril, at tiniyak na ibibigay ang lahat ng tulong at suporta upang mabilis na maresolba ang krimen.

Inatasan niya si Police Lt. Col. John Kareen Escober, Tagbilaran police chief, na gawing prayoridad ang nasabing kaso.