Isang lalaki sa Russia ang sinadya na siya ay huliin ng mga awtoridad para makulong dahil sa hindi siya makahanap ng trabaho para suportahan ang kanyang sarili.

Gumawa ng bomb threats ang lalaki na kinilala lamang na si Oleg, 20 anyos para lang siya ay mahuli at makulong.

Matapos na magtapos sa high school, nagsilbi si Oleg sa militar at sinubukan niya na makahanap ng trabaho sa lungsod ng Ufa, Russia, subalit walang tumanggap sa kanya.

Dahil sa wala siyang tahanan at walang pera para sa pagkain, gumawa siya ng plano para mahuli at makulong.

Matapos ang tatlong araw na paghahanap ng trabaho sa Ufa, pumunta si Oleg sa isang hotel at binantaan ang isang staff na pasasabugin niya ang gusali gamit ang isang bomba na nasa kanyang bag.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila na nagkulong siya sa isang kwarto at nagsisigaw na may dala siyang bomba, walang naniniwala sa kanya, kaya binuksan niya ang isang bintana at tumalon, at pumunta sa kalapit na paliparan.

Naging tagumpay naman ang kanyang ikalawang pagtatangka.

Sa gitna ng terminal sa Ufa airport, itinaas niya ang kanyang backpack at sumigaw na may dala siyang bomba.

Hiniling niya na magtawag ng mga pulis at negotiator at nagbabala sa mga tao doon na huwag lumapit.

Napansin ng security staff na walang wires o bomb detonators sa bag ni Oleg, kaya nilapitan siya at hinintay ang mga pulis.

Walang nakitang bomba sa bag, at inamin ni Oleg na nagsinungaling siya dahil sa gusto niyang mahuli.

Naging matagumpay ang kanyang plano, dahil sa hinatulan siya ng korte na makulong ng tatlong taon at dalawang buwan sa penal colony, at kakain siya ng dalawang beses sa isang araw at mayroon siyang tirahan.