Nakaburol sa iisang bahay sa Barangay Daan-ili, Allacapan, Cagayan ang 11 na namatay sa nangyaring pagbangga ng Florida bus sa pick-up.

Sinabi ni Ronalyn Israel, na namatay ang kanyang mga magulang at kanyang na babae na 13 anyos sa aksidente, na nagpasiya sila na iburol ang mga biktima sa kanilang family house na ipinatayo ng kanyang kapatid na lalaki na namatay din sa insidente.

Kabilang din sa mga namatay ang bata na magdadalawang taon sa susunod na buwan.

Kaugnay nito, sinabi ni Ronalyn na wala silang balak na magsampa ng kaso laban sa sangkot sa nasabing insidente at ang hiling lamang nila ay tulungan sila sa gastusin sa burol hanggang sa libing ng kanilang mga kaanak.

Ayon sa kanya, wala pa silang natatanggap na tulong mula sa bus company.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa niya na wala pa silang pag-uusap sa bus company kaugnay sa nasabing pangyayari.

Sinabi niya na may ibinibigay naman na tulong sa kanila ang lokal na pamahalaan ng Allacapan.

Samantala, sinabi ni Ronalyn na hindi pa nila alam kung kailan ang libing dahil sa nasa ospital pa ang kanyang bayaw na nakaligtas sa insidente.