
Sinabi ng Malacañang nitong Lunes na nakasalalay sa Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) kung ilalabas sa publiko ang pinal na ulat ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga proyektong flood control.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nakadepende na sa dalawang ahensya ang desisyon at nararapat lamang na igalang ang kanilang mandato dahil nasa kanila ang mga dokumento.
Nilinaw din ni usec. Castro na hindi uutusan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang Ombudsman at DOJ na isapubliko ang kanilang mga natuklasan. Aniya, isang independent body ang Ombudsman habang nasa sariling pagpapasya naman ng DOJ kung anong bahagi ng ulat ang kanilang ilalabas.
Natapos ng ICI ang anim na buwang imbestigasyon nito noong nakaraang linggo hinggil sa mga iregularidad sa flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura. Ayon kay ICI chairperson na si retired Justice Andres Reyes Jr., kuntento sila sa naging resulta ng kanilang trabaho.
Ilang kahon ng mga dokumento na may kaugnayan sa naturang imbestigasyon ang isinumite ng ICI sa Office of the Ombudsman.
Itinatag ni Pangulong Marcos ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 noong Setyembre ng nakaraang taon bilang isang non-partisan fact-finding body na may tungkuling siyasatin ang mga alegasyon ng katiwalian sa mga proyektong flood control at iba pang imprastraktura sa nakalipas na sampung taon.
Samantala, kaugnay sa ulat na may ilang empleyado ng ICI na hindi pa nakatatanggap ng kanilang sahod, sinabi ni Castro na naibigay na ang pondo para sa komisyon at dapat itong idulog sa pamunuan ng ICI.










