
Itinanggi ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na pumunta siya sa The Hague at sangkot siya sa International Criminal Court (ICC).
Binigyang-diin ni Co na walang katotohanan ang kumakalat online na may kaugnayan siya sa ICC at pumunta siya sa The Hague.
Gayunman, inamin ni Co na pumunta siya sa Rome para sa personal meeting.
Sinabi niya na umalis siya ng Manila sakay ng Emirates Flight EK333 papuntang Dubai noong March 11, at dumiretso sa Rome sakay ng Emirates Flight EK0097 noong March 12.
Pinabulaanan din niya na pag-aari niya ang RP-C5219 Gulfstream G550 aircraft na sinakyan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte papuntang The Netherlands noong March 11.
Iginiit ni Co na patunay lamang ito na may ilang tao na nagpapakalat ng fake news, kung saan pinupuntriya siya at iba pang kasamahan sa Kamara.
Naniniwala si Co na layunin nito na ilihis ang atensyon ng publiko sa totoong issue.
Si Co ay dating chairperson ng makapangyarihan na House committee on appropriations.
Ayon sa kanya, nagbitiw siya sa nasabing posisyon dahil sa kanyang kalusugan.