Nakatakdang gawaran ng certificate of appreciation at mabigyan ng insentibo ang isang sales agent ng isang gasolinahan matapos na magsauli ng napulot nitong P11,000 sa bayan ng Abulug.
Kinilala ni PCPL Eduardo Ferrer Jr. IOC ng PNP Abulug ang sales agent na si Miho Villon, 21 anyos at residente ng Brgy Tallungan, Aparri na kasalukuyang naninirahan sa Abulug.
Ayon kay Ferrer, nasa kalagitnaan ng pagmamaneho ng kanyang motorsiklo si Villon nang mapansin nito ang pera na nahuhulog galing sa isang bulsa ng nagbebenta ng baboy na nasa harapan niya gamit ang kulong kulong sa Brgy.Libertad.
Sinubukan umano nitong habulin ang nakahulog ng pera ngunit hindi parin nito narinig ang kanyang mga busina dahilan upang dalhin na lamang ito sa police station.
Nabatid na ang nasabing pera ay napagbentahan ng baboy kung saan ireremit sana ng driver sa negosyanteng pinagtratrabahuan nito pagkatapos na maideliver ang nasabing produkto.
Gagawaran naman ng PNP ng certficate of appreciation si Villon sa araw ng Lunes bilang pagkilala sa kanyang ginawang kabutihan.