
Pinuna ni House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon ang Korte Suprema at hinamon itong unahin ang pagresolba sa mga nakabinbing kaso bago kwestiyunin ang Kongreso sa bilis ng impeachment proceedings.
Ipinunto ni Ridon na ayon sa 1987 Constitution, may itinakdang 24 na buwan lamang para maresolba ang mga kaso mula sa pagsusumite ng pleadings, ngunit may mga petisyon—gaya ng sa non-contact apprehension policy—na matagal nang wala pang pinal na desisyon.
Binigyang-diin ng mambabatas na bago punahin ng SC ang umano’y pagmamadali ng lehislatura, dapat munang tiyakin ng hudikatura na nasusunod nito ang sariling mga deadline.
Gayunman, nilinaw ni Ridon na iginagalang ng Kongreso ang judicial autonomy, kasabay ng paninindigang may kapangyarihan itong magsagawa ng oversight bilang bahagi ng checks and balances, kabilang ang impeachment at pagsusuri sa paggamit ng Judicial Development Fund.










