
Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan (LGU) na paigtingin ang kanilang mga programa sa fire prevention.
Ang panawagang ito ay bunsod ng malagim na sunog sa Barangay Lamion, Bongao, Tawi-Tawi noong ika-3 ng Pebrero, kung saan mahigit 1,400 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Umabot sa kabuuang P17.5 milyon ang halaga ng pinsala sa mga pribadong ari-arian at P18 milyon pampublikong imprastraktura dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa siksikang komunidad sa baybayin.
Binigyang-diin ng senador na karamihan sa mga trahedyang ito ay maaari sanang naiwasan kung naging maingat sa paggamit ng kuryente at LPG.
Ayon kay Gatchalian, ang mga overloaded electrical circuits at ilegal na koneksyon (jumpers) ang madalas na mitsa ng apoy sa mga residential areas.
Hinimok niya ang mga LGU na huwag maging kampante at higpitan ang pagpapatupad ng batas laban sa mga unauthorized electrical hookups upang hindi na maulit ang ganitong mga sakuna.
Bilang bahagi ng paghahanda, ipinayo rin ng senador ang pagsasagawa ng mga community-based fire drills at mas malawak na information campaigns, lalo na sa mga lugar na dikit-dikit ang mga bahay.
Naniniwala si Gatchalian na ang simple ngunit tuluy-tuloy na pagsunod sa mga safety practices ay sapat na upang makapaglitas ng buhay at mapangalagaan ang kabuhayan ng mga mamamayan.










