
Inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang substitute bill kaugnay ng panukalang Anti-Political Dynasty, na nakakuha ng 20 boto pabor at apat na tutol.
Ayon kay Committee Chairman Zia Alonto Adiong, pinagsama-sama sa substitute bill ang 25 bersyon ng panukala, kung saan nangingibabaw ang House Bill 6711 na inihain nina House Speaker Faustino Dy III at Rep. Sandro Marcos. Ito ang magiging working draft dahil nakakuha ito ng pinakamaraming suporta.
Mahigit 100 kongresista na rin ang nagpahayag ng intensyong maging co-author ng panukala.
Sa ilalim ng draft, hindi papayagan ang pagtakbo ng magkakamag-anak sa parehong political unit hanggang second degree of consanguinity o affinity.
Binanggit ni Adiong na isinasaalang-alang sa pagbuo ng substitute bill ang mga resulta ng apat na pagdinig ng komite at tatlong public consultations na idinaos sa Carmona (Luzon), Cebu City (Visayas), at Cagayan de Oro (Mindanao).










