Nagbaril sa sarili ang 39-anyos na suspek matapos niyang pagtatagain ang isang lalaki nitong Miyerkules ng umaga sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PEMS Marvin Milan ng PNP-Tuao na kapwa nagpapagaling sa pagamutan sa Tuguegarao City ang suspek na si Joel Gabana at biktimang si Robert Acebedo, 43-anyos, kapwa residente ng Barangay Bicok, dahil sa mga tinamong sugat.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Milan na armado umano ng itak na kung tawagin ay kalasyaw ang suspek at sa hindi malamang dahilan ay bigla nitong tinaga ng maraming beses sa kamay ang biktima habang ito ay nagpapahinga.

Matapos ang ginawang krimen ay umuwi si Gabana sa bahay ng kanyang bayaw at nagbaril sa sarili na nagtamo ng tama sa kanyang tiyan gamit ang hindi pa mabatid na kalibre ng homemade na baril.

Nabatid na kapwa naglilinis sa daanan ng linya ng kuryente ang dalawa, kasama ang tatlong iba pa nang mangyari ang insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Inihahanda na ng pulisya ang kasong frustrated murder at paglabag sa RA 10591 na isasampa laban sa suspek.

Bahagi ng panayam kay Police Executive Master Sgt. Marvin Milan ng PNP Tuao