
Pinapabilis sa Senado ang pagpasa ng Senate Bill No. 1625 o ang West Philippine Sea (WPS) Education Act, na layong isama sa kurikulum ng basic at higher education ang pag-aaral tungkol sa mga teritoryong pandagat ng Pilipinas.
Nanawagan si Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo sa mga kapwa senador na agarang ipasa ang panukala, dahil marami pa umanong Pilipino ang kulang ang kaalaman tungkol sa West Philippine Sea at iba pang teritoryo ng bansa.
Sa ilalim ng panukala, isasama sa mga syllabi ang mga materyales na angkop sa edad ng mga mag-aaral, kabilang ang mga internationally recognized facts, desisyon ng Korte Suprema, at mga kaugnay na batas hinggil sa West Philippine Sea.
Bubuuin ang mga materyales at pagsasanay sa tulong ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), National Security Council (NSC), Department of Foreign Affairs (DFA), at iba pang ahensya.
Kapag naisabatas, magiging mandato ng DepEd ang pagsasanay sa mga gurong magtuturo ng WPS Education.
Hinihikayat din ang mga State Universities and Colleges na palawakin ang pananaliksik sa maritime security, governance, at mga coastal community na may kaugnayan sa West Philippine Sea.










